UPDATES!

Pasensya na ng marami kung ngayon lang ako nakapag update muli ng blog. Dahil sa napakaraming gawain-both sa loob ng apat na sulok ng paaralan hanggang sa malawak na kalsada ng pakikibaka para sa demokratikong interes ng mamamaya; ay ngayon lang ako nakapag online muli at makakapag update nitong ating blog.

(1)

Mula sa ANAKBAYANHQ

Inilabas ng Pambansang Komiteng Taga-pagpaganap ng ANAKBAYAN
GABAY SA PAGTATALAKAY HINGGIL SA MAGUINDANAO MASAKER

Lubos na kinukundena ng ANAKBAYAN ang naganap na masaker sa Maguindanao noong Nobyembre 23 bilang isang kahayupan at gawain mga barbaro. Nananawagan ang ANAKBAYAN ng pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng Masaker, at pagparusa sa lahat ng may papel sa kaganapang ito.

Nobyembre 23, 10am: Hinarang ang mga sasakyan na nagdadala ng iilang mga miyembro ng pamilya Mangudadatu, ang kanilang mga abogado, at mga ilang mamamahayag. Pakay nila ang pag-sumite ng kandidatura para sa pagka-gobernador sa probinsya ng Maguindanao, isang posisyon na hawak ngayon ng pamilya Ampatuan. Hindi pa tapos ang araw, natagpuan na ang bangkay ng ilang miyembro ng nasabing contingent. Tadtad ng bala ang mga katawan, halatang ginahasa ang mga babae, at may ibang pinugutan pa. Sa kasalukuyan, 46 na ang natagpuang patay.

Primaryang suspek sa kasalukuyan ang kasalukuyang mukha ng naghaharing uri sa Maguindanao.

Hindi nakapagtataka na malakas ang loob ng nasabing pamilya na gawin ang mga ganung kahayupan. Isa sila sa mga pinaka-mahigpit na kakampi ni Gloria Macapagal-Arroyo sa pulitika. Noong 2004, zero ang nakuhang boto ni Fernando Poe Jr., pinaka-mahigpit na kalaban ni Arroyo noon, sa buo-buong mga bayan sa Maguindanao. 2007 naman ng ang probinsya ang naging tanging lugar sa buong Pilipinas na nabigay ng 12-0 na kabuuang boto pabor sa mga senatoriables ng Administrasyon. Ika nga ni Garci, hindi sila mahihirapan sa Maguindanao.

Mismong si Arroyo ang nagbigay ng paraan para mabuo ang mga private army na laganap sa iba’t-ibang sulok ng bansa. Para daw durugin ang New People’s Army at Moro Islamic Liberation Front, nilagdaan niya ang Executive Order 546 noong Hulyo 2006. Dito, pinahintulutan ang mga lokal na opisyal na buuin ang mga sariling armadong grupo, na tinawag na mga CVO (o civilian volunteer organizations) para diumano labanan ang NPA at MILF.

Batbat na ang ating kasaysayan ng madugo at marahas na eleksyon. Ang naganap na masaker ay hudyat ng panibagong serye ng karahasan sa darating na halalan. Sa ating bansa, malayang gumamit ng dahas ang mga naghahari uri sa kanilang laban para sa pagkuha ng kontrol sa bulok na lipunan. Sa ilalim ng ganitong kaayusan, ang nagdurusa at nabibiktima ay ang mamamayan.

Ang karahasan sa pagitan ng mga dynastiya, tulad ng nangyari sa Maguindanao, ay pag-aagawan sa ‘premyo’ para sa kanila: ang posisyon sa gobyerno, o ang pagkakataong mangurakot at isulong ang kanilang mga kapitalistang interes.

Sa kasalukuyan, ang mga pamilyang may monopolyo sa kapangyarihang pulitikal ay siya ring may monopolyo sa kayamanan ng ating lipunan. Sa bawat sulok ng bansa, ang mga dynastiya ang siyang may kontrol rin sa malalaking lupain at/o empresa sa kanilang mga probinsya. Walang tunay at sinserong suporta na nakukuha ang mga dynastiya mula sa masang kanilang pinagsasamantalahan.

Tulad ng mga cabesa de baranggay at gobernadorcillo noong panahon ng mga Kastilla, may basbas ang kanilang paghahari, pandarambong, at pananamantala kapalit ang kanilang pagsuporta sa mga pampulitikal na pwersa na mas nakakataas sa kanila, tulad ng makikita sa relasyon ng mga Ampatuan at ni Arroyo.

Kaya gumagamit ng karahasan ang mga naghaharing uri ay para pigilan ang masa na suportahan ang kanilang mga karibal sa kapangyarihan, at para pigilan ang mismong paglaban ng masa para sa kanilang mga karapatan. Sa madaling salita, gumagamit ng karahasan ang naghaharing uri para panatiliin ang bulok na sistemang panlipunan na pinaghaharian nila.

Nananawagan ang ANAKBAYAN na kailangan ng wakasan ang sikulo ng pagpatay sa mamamayan at pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng Masaker. Sa kagyat, kailangang panagutin ang mga may-sala at lahat ng may papel sa nasabing pangyayari. Sa harap ng malapit na ugnay ng mga suspek at ng Rehimen, tanging ang pagkakaisa at pagkilos ng mamamayan ang makakapagtiyak ng pagkamit ng hustisya. Kailangan rin ang ating tuloy tuloy na pagkilos para wakasan ang bulok na sistemang nag-anak sa ganitong pangyayari, at sa pagtayo ng isang tunay na makatarungan at makataong lipunan.

Tungkulin ng mga kabataan, lalo na ang mga miyembro ng ANAKBAYAN at iba pang progresibong organisasyon ng kabataan, ang maglunsad ng marami at malalawak na pagkilos para kondenahin ang Masaker, at sa bawat pagkakataon na maipapakita na walang ginagawa ang Rehimen para mabigyan ng hustisya ang mga biktima. Kailangang ilantad ang pananagutan ng Rehimen, hindi lamang sa Masaker, kundi sa pagkakaroon at pananatili ng panlipunang kaayusan na nagbubunga ng mga dynastiya. Kailangan ipaliwanag ang pambansang demokrasya at ang pambansa demokratikong programa bilang epektibong sagot sa ganitong bulok na sistema.

Ang Ating mga Panawagan:
KUNDENAHIN ang mga Pampulitikang Pamamaslang!
BAGUHIN ang Bulok na Sistema ng Panunupil at Karahasan!
IPAGLABAN ang Katarungan at Tunay na Pagbabagong Panlipunan!
BURUKRATA-KAPITALISMO, IBAGSAK!

Bisitahin lagi ang anakbayanhq.multiply.com

(2)

November 16. 2009 – Sa araw na ito natin sinariwa ang naganap na Hacienda Luisita Massacre kung saan pitong magsasaka ang namatay ng mismong araw na to at sinundan pa ng pito ilang araw matapos ang masaker.

Sa blog entry ng kasama nating si SORAL ay malalaman natin ang kalunos lunos na kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita at kung ano ang naging tugon ng estado sa kilos protestangkanilang ikinasa.

At higit sa lahat ay makikita din natin kung gaano kabulok ang sistema ng lipunang umiiral ngayon. Isang sistema ng lipunang nagsisilbi lamang sa interes ng iilang naghaharing uri at nagkakait naman sa demokratikong interes ng malawak na mamamayan. Isang luma at mapanupil na sistema ng lipunan na dapat na nating palitan.

Ang masaker sa Hacienda Luisita ay talaga namang kalunos lunos ngunit tayo’y naninindigan din na hindi lang tayo natatali sa laban ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Dahil ang laban sa HLI ay isang maliit na patak lamang sa laban ng mga magsasaka para sa kanilang demokratikong interes at ito ay isa parte lang ng laban ng sambayanan laban sa Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo.

Hanggat hindi nakakamit ng lahat ng magsasaka ang matagal na nilang laban para sa lupang kanilang binubungkal…

Hanggat hindi nakakamit ng malawak na mamayan ang kanilang demokratikong interes…

Hanggat hindi nakakamit ang hustisya at katarungan hindi lang sa mga biktima ng Hacienda Luisita Massacre; kungdi sa lahat ng biktima ng pampulitikang panunupil at pamamaslang…

Hanggat hindi parin napapalitan ang luma  at mapanupil na sistemang Mala Kolonyal at Mala Pyudal na nagsisilbi lamang sa interes ng mga naghaharing uri..

Ay magpapatuloy parin ang paglaban ng malawak na mamayan para sa paggiit sa kanilang demokratikong interes at paghiling ng kanilang demokratikong karapatan.



0 Responses to “UPDATES!”



  1. Leave a Comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s





%d bloggers like this: